Monday, October 11, 2010

7th Anniversary of Gawad Kalinga

SPEECH of
His Excellency BENIGNO S. AQUINO III
President of the Philippines
At the 7th Anniversary of Gawad Kalinga

[October 10, 2010, Quezon Memorial Park]

Magandang hapon.

Sa mga ganitong pagsasalu-salo, kadalasan ay ang mga volunteers po ang una nating pinapasalamatan. Ngunit kung mamarapatin po ninyo, nais ko po munang bigyang pugay si Ginoong Tony Meloto: ang Ama ng Gawad Kalinga. At wala na nga po sigurong mas aangkop pa sa salitang “ama” upang ilarawan siya. Siya ang tatay na nagtanim ng binhi upang umusbong ang pamilyang ito. Siya ang haliging nagbibigay pag-asa sa mga walang masilungan. Siya ang amang gumabay sa mga myembro upang maisapuso nila ang dalisay na adhikaing makatulong sa mga nangangailangan. Siya rin ang sandigan ng bawat kasapi at volunteer tuwing may mga kumukwestyon sa tunay na layunin ng Gawad Kalinga. Kaya naman po, kasama ko ang lahat ng Pilipino na nagpapasalamat sa lakas, yaman at panahong inialay ni Tony para itaguyod ang Gawad Kalinga. Patunay po siya at ang pitong (7) matagumpay na taon ng Gawad Kalinga na wala tayong hindi kayang gawin kung ang puhunan natin ay ang tiwala ng bawat isa sa atin. Muli, maraming salamat, Tony.

Ang tagumpay po ng Gawad kalinga ay maihahalintulad din sa tinatamasang tagumpay ng bansa natin ngayon. Gaya ng nagawa ng diwa ng bolunterismo sa inyong grupo, malaki rin po ang iniambag ng mga nag-volunteer at nakiisa sa atin sa paninigurong ang tatahakin natin ay ang matuwid na landas lamang, at hindi na maliligaw pa sa kung saang gubat ng kurapsyon ang ating bayan. Kaya’t hindi ko po pinapalampas ang mga pagkakataong aking personal na pasalamatan ang mga masisipag nating volunteers: kayong nagtiwala at nanalig sa kakayahan nating makamit ang pagbabago, kayong mga hindi pinagdadamutan ng tulong at malasakit ang inyong kapwa at Inang Bayan. Sa lahat ng volunteers ng Gawad Kalinga, marami pong salamat.

Nitong huling miyerkules po, inihayag ko po sa inyo ang mga nagawa ng ating administrasyon sa loob ng isandaang araw. Gaya po ng inaasahan, hindi pa po ako nakakababa sa entablado, kaliwa’t kanan na po agad ang puna ng mga nais iligaw ang bayan natin. Nakakalungkot man po, pero mukhang natural na po yata sa kanila ang sumakit ang loob kung gumaganda ang buhay ng mga Pilipino. Maliban dito, nakakalimutan din po yata nilang may higit sa dalawang-libong araw pa po tayong magtatrabaho upang maitaguyod ang kaunlaran ng ating mga kababayan. At hindi po ito magiging madali. Sangkatutak pa rin po ang mga balakid sa katuparan ng mga pangarap natin: kasama na dito ang mga pulitikal na hadlang mula sa mga nagnanais na ipagpatuloy ang kanilang ligaya. Puso, tapat na paglilingkod at pagkakaisa ang pinakamabisa natin sandata. Ito po ang paulit-ulit na nating napatunayan.

Gaya po ng ginagawa ng Gawad Kalinga, hinihikayat ko po kayong makipagbayanihan upang kumpunihin natin ang ating bayan. Lahat tayo, may magagawa. Ang pagiging simpleng mamamayan ay hindi dahilan upang sabihing wala tayong lakas. Pinatunayan na ito ng Gawad Kalinga.

Kaya naman po natin isinusulong ang pag-uugnayan ng pribadong sektor sa pamahalaan, at sa mga mamamayan. Ito po ang silbi ng Public-Private Partnership Center. Kung negosyante ka, at gusto mong makilahok sa pagbabago, bukas ang pintuan ng gobyerno para sa iyo. Magiging tapat, malinaw, at mabilis ang proseso ng mga papeles mo. Mali naman po sigurong pahirapan ka pa namin kung ang gusto mo naman ay tulungan ang bayan.

Hindi lang yan. Sa DILG, magtutulungan ang mga lokal na opisyal at mga civil society organizations upang maitaas ang kaledad ng regional coordination at mas matugunan ang mga problema sa procurement at peace and order. Sa DSWD naman, paiigtingin natin ang monitoring at auditing ng mga programang pinondohan natin, tulad ng conditional cash transfers at ang KALAHI-CIDSS. Tuloy tuloy ang pagpapalakas natin ng ating mga regional, provincial and municipal offices na siyang mangangasiwa nito. Ilan laman ito sa mga halimbawa ng mga paraan kung paano maaring makilahok ang ordinaryong mamamayan sa pamamahala.

Bibigyang-lakas natin ang isa’t-isa. Sa atin pong pagbabayanihan nakasalalay ang patuloy na tagumpay ng mamamayang Pilipino.

Muli, maraming salamat sa Gawad Kalinga. Sa loob ng pitong taon, hindi lang po makukulay na bahay at yumayabong na mga komunidad ang inyong itinaguyod. Mas higit po dito ang dinadala ninyong pag-asa sa mga kababayan nating nalulugmok sa kahirapan. Sa bawat pamilyang nagbubukas ng pinto sa bago nilang tahanan, may isang bayan din pong malugod na sumasalubong sa pag-unlad.

Ipagpatuloy po natin ang pagbabayanihan; sama-sama nating kumpunihin ang ating bayan. Ngayong nasa kamay nang muli ng taumbayan ang pamahalaan, wala po tayong hindi magagawa. Napakaganda na po ng ating nasimulan, at napakaganda rin ng napipinto nating kinabukasan. Kumakatok na po ang katuparan ng ating mga pangarap. Para sa susunod na salinlahi, atin po itong pagbuksan.

Maraming salamat po.

Report Kay Boss






Sunday, October 10, 2010

Jun & Angie: Ruby Anniversary

Free Counters
Free Counters